Ang buhay natin ay parang isang kandila sa unang sindi apoy ay mahina at unit unting lalakas ngunit habang tumatagal lalong humihina.
Noong ako’y nasa sinapupunan pa lamang, may isang bahay na madilim ngunit ingat na ingat sa akin at may isang boses naman na laging kumakamusta sa akin. Hanggang sa ako’y isinilang lumiwanag na ang lahat para sa akin, si ina’y pala ang walang tigil na init na yumayakap at si ita’y naman ang boses na walang sawang kumakausap.
Sa tuwing ako’y magigising na umiiyak ako’y iyong ipaghehele kahit ikaw pa ay puyat. Sa maghapon na dadaan tayong dalawa ang magsasama at ako’y iyong aaliwin hagat sa ako ay dapuan na ng antok at lungkot ko’y iyong papawiin. Sa pagsapit ng gabi si ita’y ay darating habang ikaw ay abala siya naman sakin ay titingin. Kapag ako’y nagsasalita pilit nyong inuunawa kahit pa kung ako’y magsalita parang walang dila, kung minsan ako’y makulit hindi kayo nasisiraan ng bait. At kapag sa lampin ako’y nadumi kahit minsan hindi ko nakita na kayo’y mandiri. Sa tuwing sasapit ang aking kaarawan lungkot at ligaya ay inyong nadarama. Lagi nyong hinihiling na sana huwag na kong lumaki, upang hindi ko na madama ang mga hirap at sana lagi nalang akong nasa inyong piling.
Sa inyong pagtanda, ako naman ang magaaruga. Gaya ng pagmamahal niyo sa akin noong ako’y maliit pa sa inyo naman ay aking ipapadama. Sa inyong dalawa ako ang magaalaga , hindi ilalagay sa kamay ng masungit na yaya. Lagi nasa tabi nyo at handang umalalay sa oras na hindi kana makalakad. Hindi ka sisigawan kapag dumating ang araw na ikaw ay mabingi, pilit na iintindihin kahit salita mo’y pautal utal. Kapag ikaw naman ang makulit para sa akin ikaw padin ay napakabait at kapag ikaw ay nadumi o naihi sa iyong upuan kahit kalian hindi ka kagagalitan. Kapag ang araw na ikaw ay tuluyang bumalik na sa pagkabata at ako’y iyong makalimutan na, ako naman ang magtuturo sa iyo at laging kakausap at laging ipapadama ang init ng aking mga yakap. Kaarawan mo kalian man ay hindi kakalimutan kahit sakin ay masakit dahil nakikita kong patuloy ang iyong pagtanda pilit na ngingiti para lungkot mo ay mapawi. Kapag ikaw ay mahiga dahil sa iyong karamdaman hindi magsasawang ikaw ay alagaan at paliguan. Ako naman ngayon ang hihiling na sana kayo’y huwag nang umalis sa aking piling.
Sa aking mga kapwa kabataan, huwag sana tayong mabulag sa ating responsibilidad. Alalahanin natin ang mga panahon na tayo ay kanilang inalagaan. Laging ipaalala sa kanila kung gaano natin sila kamahal dahil hindi ako sigurado kung aabutin pa nila ang katandaan. Masuwerte ka at may magulang ka. Sa pagupos ng iyong kandila, sanay huwag kalimutan ang pagmamahal na iyong nadama at kahit kalian hindi ko malilimutan ang pagmamahal na iyong ipinadama.